NOBENA AT MGA DASAL SA NUESTRO PADRE JESUS NAZARENO
NOBENA SA NUESTRO PADRE JESUS NAZARENO
♪ Awit:
Krus ng Ating Kaligtasan
Krus ng ating kaligtasan
Dapat nating ikarangal
Sagisag ng kalayaan
At ng muling pagkabuhay
ni Hesus na Poong mahal.
P: Mga kapatid,
tayo ay lumuhod sa harap
ng larawan ng
Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sambahin natin siya
na nakaluklok sa kanan
ng Amang nabubuhay magpakailanman.
N: Mga kapatid, pakinggan po ninyo
ang sinasabi ng ating Panginoon:
OPTION 1
Ang pagtitiis ng hirap
ay bahagi ng pagkatawag sa inyo
ng Diyos, sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan.
Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman.
Nang siya’y insultuhin,
hindi siya gumanti.
Nang siya’y pahirapan,
hindi siya nagbanta;
sa halip, ipinaubaya niya ang lahat
sa Diyos na makatarungan
kung humatol.
Sa kanyang pagkamatay sa krus,
pinasan niya ang bigat
ng ating mga kasalanan
upang tayo ay mamatay na
sa kasalanan at mamuhay ayon
sa kalooban ng Diyos.
Kayo ay pinagaling na
sa pamamagitan ng kanyang mga sugat.
Sapagkat kayo ay tulad
ng mga tupang naliligaw,
ngunit ngayon kayo ay nanumbalik na
upang sumunod sa Pastol
at Tagapangalaga ng inyong kaluluwa.
(1 Pedro 1:21-25)
OPTION 2
Ang sinumang nagnanais
sumunod sa akin,
ay kinakailangang itakwil niya
ang kanyang sarili, pasanin
ang kanyang krus at sumunod sa akin.
Ang naghahangad na magligtas
ng kanyang buhay
ay siyang mawawalan nito;
ngunit ang mawalan ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon.
Sapagkat, ano ba ang
mapapala ng isang tao,
makamtan man niya ang buong daigdig
ngunit mapahamak naman
ang kanyang sarili?
Ano ba ang maibabayad
ng isang tao para mabawi-niya
ang kanyang buhay?
Sapagkat darating ang Anak ng Tao
na kasama ang kanyang mga anghel
at taglay ang dakilang kapangyarihan
ng kanyang Ama. Sa panahong iyon ay gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. (Mateo 16:24-27)
OPTION 3
Totoo ang kasabihang ito:
“Kung tayo ay namatay na
kasama ni Hesukristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
Kung tayo ay nagtiis ng hirap
sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag siya ay ating ikinahiya,
ikakahiya rin niya tayo.
Kung tayo man ay hindi tapat,
siya ay mananatiling tapat pa rin
sapagkat hindi niya maaaring itakwil
ang kanyang sarili. (2 Timoteo 1:11-13)
P: Jesus Nazareno,
aming Panginoon at Diyos,
karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat,
parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan
magpakailanman. Amen.
N: Ikaw ang tanging Anak ng Diyos!
Naging anak ka rin ni Mariang Birhenng kalinis-linisan. Bigay ka ni Maria sa amin
bilang Tagapagligtas at kapatid.
Binigay mo si Maria sa amin
bilang Ina namin at pag-asa.
Pinuno mo siya ng grasya.
Punuin mo rin kami ng
grasya ng Espiritu Santo:
pag-ibig, kagalakan, kapayapaan,
pagtitiyaga, kagandahang-loob,
kabutihan, katapatan, kaamuan,
at pagpipigil sa sarili. Amen.
P: Jesus Nazareno,
aming Panginoon at Diyos,
karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat,
parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan
magpakailanman. Amen.
N: Inilalarawan mo sa amin
ang mukha ng Diyos na di nakikita:
ang Diyos na puspos ng pag-ibig
at lipos ng habag.
Katulad mo kami sa lahat ng bagay,
liban sa kasalanan.
Sa binyag kami ay ginawa mong
mga anak ng Diyos na banal.
Sa aming pamumuhay araw-araw
maipakita nawa namin
ang nakalulugod sa Ama namin. Amen.
P: Jesus Nazareno,
aming Panginoon at Diyos,
karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat,
parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan
magpakailanman. Amen.
N: Lubos mong naunawaan at nadama
kung gaano kasama ang kasalanan
ng bawat tao sa nakaraan, sa kasalukuyan at hanggang sa katapusan ng panahon.
Sinunod mo ang kalooban ng Ama:
na iyong tiisin ang maraming hirap at
kamatayan sa krus6
para tubusin ang mga tao
mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa
at gawin silang mga saserdote
para maglingkod sa Diyos Amang
makapangyarihan sa lahat.
Kami nawa ay makasama mo
sa iyong patuloy na pagtitiis ng kahirapan para sa kaligtasan ng sanlibutan. Amen.
P: Jesus Nazareno,
aming Panginoon at Diyos,
karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat,
parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan
magpakailanman. Amen.
N: Sapagkat ikaw ay mabuti.
Ang pag-ibig mo’y napakatatag at mananatili, hindi kukupas, walang katapusan, hindi magwawakas. Amen.
Aawitin ng paring namumuno o ng tagaawit ang mga taludtod habang tutugon ang mga tao:
♪ Maawa ka, Panginoon.
Unang Biyernes
♪ Jesus Nazareno, sa mga katolikong malayo sa simbahan.
Jesus Nazareno, sa mga madalang manalangin.
Jesus Nazareno, sa mga hinahatulang mamatay.
Jesus Nazareno, sa mga labis na pinahihirapan.
Jesus Nazareno, sa mga di-marunong magtiis.
Jesus Nazareno, sa mga sobra na ang paghihirap.
Jesus Nazareno, sa mga mag-asawa sa hirap at dusa.
Jesus Nazareno, sa mga ina ng mga suwail.
Jesus Nazareno, sa mga yumayaong nag-iisa.
Jesus Nazareno, sa mga ayaw manalig sa iyo.
Jesus Nazareno, sa mga may anak na magpapari.
Jesus Nazareno, sa mga namamanata sa Diyos.
Jesus Nazareno, sa mga nagbabaon ng kasalanan.
Jesus Nazareno, sa mga bagong lingkod ng Diyos.
Ikalawang Biyernes
♪ Jesus Nazareno, sa mga bayang walang misa.
Jesus Nazareno, sa mga may mabigat na problema.
Jesus Nazareno, sa mga di-kayang magtrabaho.
Jesus Nazareno, sa mga katulong na dustang-dusta.
Jesus Nazareno, sa mga hirap sa paghahanap-buhay.
Jesus Nazareno, sa mga di nakararanas
ng pahinga.
Jesus Nazareno, sa mga nag-aalaga ng matatanda.
Jesus Nazareno, sa mga mag-inang taga-kalye.
Jesus Nazareno, sa mga maysakit na nagtatrabaho.
Jesus Nazareno, sa mga nagsasamang di pa kasal.
Jesus Nazareno, sa mga nag-aampon ng anak ng iba.
Jesus Nazareno, sa mga namatay sa tabi ng ina.
Jesus Nazareno, sa mga naglilibing ng kaibigan.
Jesus Nazareno, sa mga nagsisikap magbagong-buhay.
Ikatlong Biyernes
♪ Jesus Nazareno, sa mga paring di na makapagmisa.
Jesus Nazareno, sa mga madaling matukso.
Jesus Nazareno, sa mga inosenteng nakakulong.
Jesus Nazareno, sa mga nilalait ng mass media.
Jesus Nazareno, sa mga nagpapadala sa kapahamakan.
Jesus Nazareno, sa mga di makaiwas sa mga bisyo.
Jesus Nazareno, sa mga ayaw magpasan ng krus.
Jesus Nazareno, sa mga maraming alagang anak.
Jesus Nazareno, sa mga nataningan na ang buhay.
Jesus Nazareno, sa mga maysakit na nangungumpisal.
Jesus Nazareno, sa mga di umiibig kay Inang Maria.
Jesus Nazareno, sa mga wala nang anak.
Jesus Nazareno, sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.
Jesus Nazareno, sa mga di makasunod sa iyo.
Ikaapat at Ikalimang Biyernes
♪ Jesus Nazareno, sa mga katolikong di makapagsimba.
Jesus Nazareno, sa mga nagpapadasal at nagpapamisa.
Jesus Nazareno, sa mga hukom ng mga maralita.
Jesus Nazareno, sa mga pulis at gwardiyang maaasahan.
Jesus Nazareno, sa mga nag-iisip pumatay ng bata.
Jesus Nazareno, sa mga pumapatay ng kagubatan.
Jesus Nazareno, sa mga mag-anak na sidewalk-vendor.
Jesus Nazareno, sa mga anak ng mga OFW at marinero.
Jesus Nazareno, sa mga gutom, uhaw at hubad.
Jesus Nazareno, sa mga taong mapaghiganti.
Jesus Nazareno, sa mga balo at mga ulila.
Jesus Nazareno, sa mga masakim at makasarili.
Jesus Nazareno, sa mga naglilibing ng minamahal.
Jesus Nazareno, sa mga bagong binyagang katoliko.
Pari: Ama naming makapangyarihan,
niloob mong akuin ng iyong Anak
ang krus at kamatayan upang ang sangkatauhan ay matubos at mabuhay. Ang pag-ako namin
sa krus at kamatayan dito sa lupa
ayon sa diwa ng pagsunod sa iyong loob na ginanap ng iyong Anak
ay magpagindapat nawang aming kamitin ang lubos na katubusan
at pagkabuhay sa iyong piling
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Amen.
♪ Awit:
Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, sinasamba Ka namin.
Pinipintuho Ka namin. Aral Mo’y aming buhay at kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, iligtas Mo kami sa Kasalanan.
Ang krus Mong kinamatayan ay sagisag ng aming Kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno, dinarangal Ka namin!
Nuestro Padre Jesus Nazareno, nilul’walhati Ka namin!
PAGPAPASALAMAT PAGKATAPOS NG MISA:
OPTION 1
Dakilang Ama, ikaw ang may sugo kay Kristong Pari.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Dakilang Ama, ikaw ang may nagpahintulot na siya’y mamatay.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Dakilang Ama, ikaw ang tumanggap sa kanyang handog.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Nuestro Padre Jesus, masunuring Anak ng Ama.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Nuestro Padre Jesus, ikaw ang handog na panlinis ng sala.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Nuestro Padre Jesus, ikaw ang handog para sa kabanalan.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Espiritu Santo, ikaw ang pag-ibig ng Ama at ng Anak.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Espiritu Santo, ikaw ang aming buhay at pag-ibig.
Salamat sa’yo, Panginoon.
Espiritu Santo, ikaw ang Diyos sa aming puso.
Salamat sa’yo, Panginoon.
OPTION 2
Kaluluwa ni Kristo, pakabanalin mo ako.
Katawan ni Kristo, iligtas mo ako.
Dugo ni Kristo, pasiglahin mo ako.
Tubig mula sa tagiliran ni Kristo, hugasan mo ako.
Pagpapakasakit ni Kristo, patatagin mo ako.
Butihing Hesus, dinggin mo ako.
Sa loob ng mga sugat mo ako ay itago mo.
Huwag mong ipahintulot, na mawalay ako sa iyo.
Sa nagpapahamak na kaaway, ako ay ipagsanggalang mo.
Sa sandali ng pagpanaw, ako ay tawagin mo.
At iyong ipag-utos na lumapit ako sa iyo.
Upang kaisa ng iyong mga Banal ako ay makapagpuri sa iyo sa kalangitan magpasawalang hanggan. Amen.
Kunin mo, Panginoon, ang tanang aking kalayaan.
Tanggapin mo ang aking alaala, isipan at tanang kapasyahan.
Anumang aking hinahawakan o tinataglay na pawang sa akin ay bigay mo.
Lahat ng ito ay isinasauli ko sa iyo at aking isinusuko upang pagpasyahang lubusin ng iyong kalooban.
Pag-ibig mo lamang at kagandahang-loob ang sa akin ay iyong ibigay
At ako ay magiging sapat na mayaman at wala na aking hihingin pang anuman.
BENDISYON NG SANTISIMO SAKRAMENTO
Tantum ergo, Sacramentum
Veneremur cernui
Et antiquum documentum
Novo cedat ritui;
Praestet fides supplementum
Sensuum defectui.
Genitori, Genitoque
Laus et jubilatio,
Salus, honor, virtus quoque
Compar sit laudatio.
Amen.
Pari: Panem de coelo praestitisti eis.
Bayan: Omne delectamentum in se habentem.
Pari: Oremus
Deus, qui nobis sub sacramento mirabili, passionis tuae memoriam reliquisti: tribue, quaesumus,
ita nos Corporis et Sanguinis
tui sacre mysteria venerari,
ut redemptionis tue fructum
in nobis iugiter sentiamus:
Qui vivis et regnas
in saecula saecolorum.
Bayan: Amen.
MGA BANAL NA PAGPUPURI
Purihin ang Diyos.
Purihin ang Pangalan niyang banal.
Purihin ni Hesukristo, Diyos na totoo
at taong totoo.
Purihin ang Pangalan ni Hesus.
Purihin ang kanyang Kabanal-banalang puso.
Purihin ang kanyang kamahal-mahalang Dugo.
Purihin si Hesus sa Kabanal-banalang Sakramento sa Altar.
Purihin ang Espiritu Santo ang Mang-aaliw.
Purihin ang dakilang Ina ng Diyos
na si Mariang kabanal-banalan.
Purihin ang Banal at kalinis-linisang Paglilihi sa kanya.
Purihin ang maluwalhating pag-aakyat sa kanya sa langit.
Purihin ang pangalan ni Mariang Inang Birhen.
Purihin si San Jose, ang kanyang kalinis-linisang asawa.
Purihin ang Diyos sa Kanyang mga anghel at mga Banal.
Ang kabanal-banalang Sakramento ng
Puso ni Hesus sa mga Tabernakulo ng mga simbahan sa buong daigdig ay lagi nawang makatanggap ng buong pusong pagsamba,
pagpupuri at pagpapasalamat.
Amen.
ISANG BANSA
O kay ganda ng ating buhay
Napupuspos ng pagpapala
Ng Sakramentong mahiwaga
Kaloob ni Hesus sa ‘ti’y gabay.
O kay tamis ng pagsasama
Nagmumula sa pagkakaisa
Bumubukal sa pagsasalo
Sa iisang hapag ay dumalo.
KORO:
Purihin si Hesus sa Sakramento
Purihin ng lahat ng tao
Purihin Siya ng Pilipino
Sa pagkakaisa lingapin Mo.
PANALANGIN TUWING BIYERNES
(Bago Magmisa o Pagkatapos ng Komunyon)
Mahal na Poong Jesus Nazareno,
banal ang Iyong pangalan,
dinadakila at pinasasalamatan Ka namin,
nagpakababa Ka at sumunod sa kalooban ng Ama, pinasan Mo ang krus at nag-alay ng buhay
para sa aming kaligtasan.
Tanggapin Mo ang aming dasal at sakripisyo
itulot Mo na kaming sumasamo
ay tumulad sa Iyo, na sumunod ng
buong katapatan at pagmamahal,
magbahagi ng mabuting balita,
magsisi at itakwil ang kasalanan at masama,
at maghatid ng awa at kapayapaan
sa aming kapwa. Ipinagkakatiwala namin
sa Iyo ang lahat-lahat sa amin,
ipinapanalangin namin ang mga
nangangailangan ng Iyong tulong,
ipinapaubaya namin sa Iyo ang aming
mga kahilingan. (Banggitin ang kahilingan)
Itong aming pagdedebosyon at panata
ay lalo nawang magpalapit sa amin sa Iyo
at aming kapwa. Upang nagmamahal at
nagkakaisa kaming magtaguyod ng Iyong
kaharian dito sa lupa hanggang sa langit,
na aming tunay na tahanan, kung saan
naghahari Ka sa kaluwalhatian
magpasawalang hanggan.
Amen.
PANALANGIN NG ISANG DEBOTO
Mahal na Poong Jesus Nazareno,
Ikaw po ang katuparan ng pangako ng
Diyos Ama para sa aming kaligtasan.
Bagama’t Diyos, Dahil sa pagsunod sa Ama
at pagmamalasakit sa amin Ikaw ay naging tao.
Naririto po ako na Iyong deboto at alagad,
Humaharap at naninikluhod sa Iyo, puno ng pasasalamat, pagsisisi at pagtitiwala.
Tanggapin Ninyo ang aking debosyon at panata
sakrispisyo at dasal, balik-handog at alay,
na nanggagaling hindi lamang sa aking bibig at katawan, kung hindi sa kalooban ng aking puso at diwa. Makamtan ko nawa ang aking hinihiling
na makabubuti sa aking buhay at kaligtasan.
Idinudulog ko din po ang mga taong pinagdarasal ko ngayon upang sila ay makaranas ng Iyong tulong at pagpapala. (Banggitin ang kahilingan) Ang tunay na debosyon ay katulad ng buhay Mo, puspos ng awa at pag-ibig, pagsunod at paglilingkod. Mula sa pagiging deboto ako nawa ay maging sugong disipulo, na sumasaksi at nagpapahayag ng Iyong katotohanan, nagapapalaganap ng Iyong karangalan at kabutihan, sumusunod at naglilingkod kasama sa simbahan, upang lalo Kang mahalin at sundin ng mas marami pang tao. Bilang Iyong tunay na deboto, magsimula nawa sa akin ang kapayapaan, katarungan at kabanalan. Sapagkat nasa Iyo ang kaharian at kapurihan magpakailanman.
Amen.
PANALANGIN NG MGA NABIBIGATAN SA PAGSUBOK NG BUHAY
Mahal na Poong Jesus Nazareno,
Ikaw ang aming Diyos ng Pag-asa.
Ikaw ang Diyos na nagkatawang tao, na aking tapat na kalakbay sa buhay.
Sa sandaling ito, ako ay lumalapit sa Iyo
sapagkat ako ay nabibigatan
sa aking pasanin sa buhay na ito.
Sa Iyo ako lumilingon.
Ako ay samahan Ninyo sa bitbit kong
krus na ito sa aking buhay.
Ikaw ang aking lakas at pahinga.
Hawakan Ninyo ako at huwag bitawan
ang aking kamay tungo sa Iyong kaginhawaan.
Ako po ay patuloy Ninyong sinagan
ng Iyong liwanag ng pag-asa
sa kabila ng kadiliman na ito.
Upang patuloy kong maipahayag sa lahat
lalo na sa mga nawawalan ng pag-asa,
na Ikaw ang Diyos na nagmamahal sa amin,
na Ikaw ang Diyos na kalakbay namin.
Hiling ko po ito sa Iyong matamis at banal na pangalan.
Amen.
PANALANGIN PARA SA PAMILYA
Mahal na Poong Jesus Nazareno,
Kasama nina Jose at Maria,
ang Banal na Pamilya na Iyong kinabibilangan ay halimbawa ng bawat pamilyang Kristiyano.
Pinasasalamatan at pinupuri Ka namin sa biyaya ng tahanan at mag-anak. Punuin Mo ng pagmamahal, pang-unawa at pagkakaisa ang aming pamilya. Bilang pamilya kami nawa ay patuloy na lumago sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa Iyo. Ang aming pamilya ay maging katulad nawa ng Banal na Pamilya,
ang mga mag-asawa ay gumaya sa tapat na pagmamahalan ni Jose at Maria,
ang mga anak ay tumulad sa pag-galang at pagsunod ni Jesus, ang kanilang malasakit at pagtutulungan sa isa’t isa ay mapasa-amin din,
upang lalong maging matatag ang aming pagsasama bilang pamilya at maging halimbawa kami sa aming kapwa. Pangalagaan at basbasan po Ninyo ang aming tahanan gaya ng sa Inyo sa Nasaret. Ito ay aming samo at hiling sa Iyo na naghahari sa bawat tahanan,
kasama ng Ama at Espiritu Santo,
sa panalangin nina Maria at Jose.
Amen.
PANALANGIN PARA SA MGA NAGTATRABAHO
Mahal na Poong Jesus Naareno,
Niluluwalhati at sinasamba Ka namin
dahil Kayo po ang aming Panginoon at tagapagligtas. Pinasasalamatan Ka namin sa Iyong walang hanggang awa at pagmamahal.
Hinihiling po namin na basbasan po Ninyo lagi ang aming mga gawain at hanapbuhay.
Upang ang bawat naming pagsusumikap ay magkaroon ng kabuluhan. Paunlarin po Ninyo ang aming mga negosyo at kabuhayan at ilayo sa masama upang sa pamumunga nito ay makatulong kaming higit sa mga nangangailangan. Basbasan po Ninyo ang bawat manggagawa upang maitaguyod nila ang kanilang mga pamilya ng may dignidad at pagmamalasakit. Iangat po ninyo ang antas ng aming hanapbuhay upang ang bawat naming pangarap ay magkaroon ng kaganapan ayon sa Iyong kalooban. Ipinagdarasal din namin ang mga naghahanap ng trabaho at kabuhayan.
Maialay nawa namin ang bunga ng aming gawa sa ikabubuti ng bayan at ikadarangal Mo.
Mahabaging Ama, Ang lahat ng ito’y
hinihiling namin sa Iyo sa pamamagitan
ni Jesus Nazareno, ang aming Mabuting Pastol
at Maasahang Panginoon.
Amen.
PANALANGIN PARA SA MGA MUSMOS AT KABATAAN
Mahal na Poong Hesus Nazareno
Sinabi mo, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, Sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.” Katulad namin, ikaw ay naging musmos at dumaan sa kabataan.
Pakinggan Ninyo ang aming panalangin.
Gabayan Ninyo nawa ang mga musmos at kabataan, ilayo sa lahat ng kapahamakan at masasamang bisyo at patuloy Ninyong ipadama sa kanila ang Inyong mapagkalingang pag-ibig na hindi magmamaliw. Upang lumaki at lumago sila sa lakas, karunungan at biyaya katulad Ninyo,
upang sila ay matutong sumunod sa Inyo ng buong puso, magmahal at maglingkod sa kapwa ng walang pag-aalinlangan, at upang magkaroon sila ng sapat na lakas ng loob at pananampalataya sa pagharap nila sa bawat hamon ng buhay nawa’y Ibulong mo sa maawaing Ama ang aming abang pagsamo.
Ito’y aming dalangin, sa Iyo na kumakalinga at gumagabay sa aming mga musmos at kabataan
kaisa ng Ama at Espiritu Santo.
Amen.
PANALANGIN PARA SA MGA MAYSAKIT
Mahal na Poong Jesus Naareno,
pinupuri at pinasasalamatan Ka namin sa Iyong kabutihan at kadakilaang walang hanggan. Sinasamba Ka namin sa Espiritu at Katotohanan.
Dumudulog po kami bilang mga makasalanang nagsisisi. Patawarin po Ninyo kami sa aming mga kasalanan at pagkukulang. Kahabagan po Ninyo kami at pagalingin ang mga may sakit at karamdaman. Makita nawa namin ang aming karamdaman bilang pakikibahagi sa Iyong krus
upang patuloy kaming maniwala at umibig bagamat may pagdurusa. Madama nawa namin ang Iyong pakikiramay kapag kami ay nahihirapan at nalulumbay. Hindi po Ninyo kami iniiwan kailanman. Pagkalooban po Ninyo kami ng magandang kalusugan at malakas na pangangatawan. Palakasin po Ninyo ang loob ng mga maysakit at mga nag-aalaga ng maysakit.
Upang sa aming pagaling at lakas ay mas higit po namin Kayong mapaglingkuran at sa aming paghilom ay maging tanda kami ng Inyong awa at pagmamahal. Makapangyarihang Ama,
ang lahat ng ito’y hinihiling namin sa Iyo sa pamamagitan ni Jesus Nazareno, aming Tagapagligtas at Dakilang Mangagamot.
Amen.
PANALANGIN PARA MAGPATAWAD
Mahal na Poong Jesus Nazareno
Mukha ng awa at habag ng Diyos Ama
sinugo Ka sa daigdig para sa aming kaligtasan.
Tanggapin Ninyo ang aking pagsisisi at paghingi ng tawad sapagkat ang kapatawaran na Iyong ipagkakaloob ang siyang magiging aking lakas para magpatawad ng aking kapwa.
Sa krus pinatawad mo ang mga nanakit sa Iyo. Ipinagdarasal ko ngayon ang mga taong hirap akong patawarin. Ang Iyong pagmamahal at malasakit ang naghilom sa sanlibutan.
Bigyang lunas Ninyo ang aking sugatan at
galit na puso. Ako din ay nakasakit at nakagawa ng mali sa aking kapwa. Patawarin din po
sana nila ako gaya ng pagpapatawad
Ninyo sa akin. O Prinsipe ng Kapayapaan
maghari nawa sa aming mga puso ang Iyong kapatawaran at kapayapaan.
Amen.
PANALANGIN PARA SA MGA YUMAO
Mahabaging Poong Jesus Nazareno
Ikaw ang buhay na walang hanggan.
Sa Iyong pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay, tinalo Mo ang kasalanan at kamatayan. Inakay Mo ang mga yumao sa piling Mo tungo sa Iyong kaharian. Itinataas ko ang mga mahal ko sa buhay na pumanaw na.
(Banggitin ang mga pumanaw)
Ipinagdarasal ko din ang mga kaluluwang walang nakaka-alala. Silayan nawa sila ng Inyong awa at habag. Patawarin ang kanilang mga pag-kakasala at pagkukulang at salubungin Mo sila
sa Iyong kaharian, kung saan Ikaw ay nabubuhay at naghahari magpasawalang anggan.
Amen.